Nilinaw ng Malacañang na ang bagong ipinatutupad na General Community Quarantine (GCQ) bubble ay hindi isang “hard lockdown” dahil nananatili pa ring bukas ang ekonomiya pero limitado ang galaw ng mga tao.
Ito ang pahayag ng Palasyo matapos ianunsyo na ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal ay ilalagay sa GCQ bubble mula March 22 hanggang April 4.
Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ang GCQ bubble ay hindi kahalintulad ng mga mas mahigpit na quarantine classifications kung saan sarado ang mga negosyo.
“Hindi po ‘yan hard lockdown, kasi bukas ang ekonomiya. But it is a restriction of movement,” ani Roque.
Dagdag pa ni Roque, ang GCQ classification sa Metro Manila ay mananatili habang ang iba pang lalawigan na nakapaloob sa bubble ay nasa ilalim naman ng Modified GCQ.
Muling paalala ng pamahalaan na bawal ang mass gathering at in-door dining dahil dito nagmumula ang hawaan.
Hinihikayat naman ng Palasyo ang mga kumpanya at negosyo na magpatupad ng work-from-home arrangement.
Ang hakbang ng pamahalaan na ito ay mapigilan ang paglala pa ng pagsirit ng COVID-19 cases sa bansa.