Posibleng maharap sa economic sabotage ang mga mahuhuling nagsasamantala sa presyo ng baboy at manok lalo ngayong may COVID-19 pandemic at African Swine Fever sa bansa.
Ito ang babala ni Cabinet Secretary at Task Force on Zero Hunger Chairperson Karlo Nograles sa mga negosyante kasunod na rin ng mataas na presyo ng karneng baboy sa merkado.
Ginawa ni Nograles ang babala matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes ang pagbuo ng task group na maghahabol sa mga profiteers, hoarders, at smugglers ng agricultural products.
Ang naturang task force ay pamumunuan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI).
Kabilang din sa task group ang Department of Justice, Department of the Interior and Local Government, National Bureau of Investigation, Philippine National Police, Bureau of Customs, Philippine Competition Commission, National Security Council at National Intelligence Coordinating Agency.
Nabatid na umabot pa sa mahigit P400 ang kada kilo ng baboy bago at matapos ang nagdaang Pasko at Bagong Taon kahit na bumaba na ang demand nito.