Nanindigan ang Malacañang na hindi na babalik ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) sa kabila ng mga bagong testimonya kaugnay ng sinasabing EJK at drug war ng Duterte administration sa Quad Comm hearing.
Ito ang iginiit ni Executive Sec. Lucas Bersamin, kaugnay sa panawagan ng abogado ng mga biktima ng drug war na bigyang access ang ICC sa mga mahahalagang materyales at impormasyon tungol sa war on drugs.
Ayon kay Bersamin, hindi na magbabago ng posisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay ng pagkalas ng Pilipinas sa ICC at hindi na rin babalik ang Pilipinas bilang miyembro ng Rome Statute.
Hindi rin aniya inaasahang ilalapit o ieendorso ng pangulo sa ICC ang mga nangyayari sa pagdinig ng Quad Comm sa isyu ng umano’y EJK sa drug war ng nakaraang administrasyon.
Ang reaksyon ng Palasyo ay kasunod ng apela ni Atty. Maria Kristina Conti na isumite ni PBBM sa ICC ang mga bagong impormasyon sa Quad Comm hearing para maisali sa binubuong kasong “crimes against humanity” sa Pilipinas noong panahon ng madugong drug war.