
Hinimok ng Malacañang si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na makipag-pulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para ibunyag ang lahat ng impormasyon tungkol sa maanomalyang flood control projects, matapos umanong tangkain siyang suhulan ng isang Department of Public Works and Highways o DPWH district engineer.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, malaking tulong ang impormasyon ni Leviste para mabisto ang mas malalaking pangalan at kontratista na posibleng nasa likod ng katiwalian.
Dagdag pa ni Castro, hindi lang dapat papanagutin ang district engineer kundi pati ang mga nasa likod ng operasyon na kahit maliit ang naging papel ay may pananagutan pa rin.
Tugon ito ng Palasyo sa pahayag Senador Panfilo Lacson na malalaking kontratista ang utak ng panunuhol at ginagamit lamang na “bagman” ang mga district engineer.
Sa ngayon, hinihintay ng Palasyo ang ibibigay na impormasyon ni Leviste para masimulan ang mas malalim na imbestigasyon at tuluyang mabuwag ang mga sindikatong kumikita sa mga proyektong para dapat sa publiko.









