Nakiusap ang Malacañang kay Vice President Leni Robredo na dapat niyang isantabi ang pulitika sa harap ng COVID-19 pandemic.
Ito ay matapos basagin ni Robredo ang kanyang katahimikan hinggil sa mga bagong tirada laban sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa vaccination program ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, may tamang panahon para sa ganitong mga usapin.
“Pakiusap po, may panahon sa eleksyon, huhusgahan po ng taong bayan ang mga tatakbo. Nagkataon lang po talaga na kung ang presidente ay laging handa, ang vice president, laging mali. Ganoon lang po ‘yon,” sabi ni Roque.
Sa isang panayam, sinabi ni Robredo na ang mga pahayag sa kanya ni Pangulong Duterte ay hindi akma sa pagiging presidente.
Bukod dito, palaging pikon sa kanya si Pangulong Duterte kapag siya na ang nagbibigay ng opinyon sa mga usapin.
Matatandaang sinabihan ng Pangulo ang Bise Presidente na mamili ng bakuna sa ibang bansa at handa niyang pondohan ang kanyang pamimili.