
Nanawagan ang Malacañang ng pagkakaisa ng sa gitna ng usapin ng impeachment laban sa dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, para na rin sa katatagan ng Pilipinas.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, mahalaga ang pagkakaisa upang manatiling matatag ang bansa at hindi maapektuhan ang tiwala ng publiko at ng mga mamumuhunan.
Dagdag ni Castro, patuloy ang panawagan ng pamahalaan na magtiwala ang mamamayan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasabay ng pag-asang mananatili ang kumpiyansa ng mga investor sa bansa.
Kaugnay nito, muli ring iginiit ni Castro na handa ang pangulo na harapin ang impeachment case laban sa kanya.
Wala aniyang nilabag na batas ang Pangulo at wala ring nagawang impeachable offense.
Sinabi pa ng Malacañang na patuloy na tututok ang administrasyon sa mga programang pang-ekonomiya at pangkabuhayan, sa kabila ng umiiral na usaping politikal.










