Umaapela ang Palasyo ng Malacañang sa publiko na sundin ang mga eksperto at awtoridad, sa mga panuntunan nito pagdating sa volcanic smog o vog ng Bulkang Taal.
Sa ambush interview sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Asec. Joey Villarama na dapat mapanatiling walang maitatalang casualty tuwing mayroong kalamidad.
Batid naman aniya ng lahat na mayroong halong ash sa hanging na posibleng maging sanhi ng iba’t ibang respiratory disease.
Kasunod nito ay pinag-iingat din ni Villarama ang publiko, lalo na ang mga residenteng malapit sa Bulkang Taal, na kung maaari ay huwag na muna lumabas ng bahay.
Tiniyak naman ng opisyal na makakaasa ang publiko na gagawin ng pamahalaan ang lahat para hindi lumaki ang epekto ng pinakahuling aktibidad ng Bulkang Taal.