Nanindigan ang Malacañang na hindi dapat nanghihimasok ang European Union (EU) sa mga isyu na sakop ng soberanya ng bansa.
Kasunod ito ng bantang pagpataw ng trade sanctions dahil sa umano’y ilang kaso ng paglabag sa human rights at pag-atake sa press freedom.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi ang buong miyembro ng EU ang nagbanta ng trade sanctions kung saan tatanggalin ang exemption sa tariff sa mga produktong galing sa Pilipinas.
Aniya, ilang miyembro lamang ng parliament ang nagpasa ng resolusyon hinggil dito.
Sinabi pa ni Roque na ang European Parliament ay isa lamang sa institusyon ng EU at tanging ang European Commission lamang ang may kapangyarihan na mag-withdraw ng Generalized Scheme Of Preferences (GSP).
Sa hiling naman ng ilang mambabatas ng EU na palayain si Senator Leila De Lima at i-dismiss na ang mga kaso ni Rappler CEO Maria Ressa, ipinaliwanag ni Roque na nagkaroon talaga ng kasong kriminal ang dalawa at hindi ang pagiging kritiko nila sa Duterte administration ang dahilan.