Friday, February 20, 2026

Malacañang, nanindigang hindi “kidnappping” ang pagpapapadala kay FPRRD sa The Hague

Muling iginiit ng Malacañang na nakaayon sa batas ang pagpapadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.

Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro, nakaangkla ang naging hakbang ng pamahalaan sa batas at kung ang isang kaso ay dinidinig na sa isang international tribunal, maaaring ipaubaya ng gobyerno roon ang pagdinig ng proseso.

Dagdag pa ng Palasyo, may umiiral na residual obligation ang Pilipinas mula sa panahong miyembro pa ito ng International Criminal Court (ICC).

Kaya kahit hindi na kinikilala ng pamahalaan ang kasalukuyang hurisdiksyon ng korte, saklaw pa rin aniya ang mga alegasyong nangyari noong miyembro pa ang bansa sa nasabing tribunal.

Pahayag ito ng Palasyo matapos maglabas si Duterte ng waiver na hindi siya dadalo sa confirmation hearing ng ICC, kung saan nakasaad din na “kinidnap” lamang siya at ginamitan pa ng pondo ng bayan ang ginamit na private jet.

Facebook Comments