
Muling nanindigan ang Malacañang na hindi matitinag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga panawagang magbitiw siya sa puwesto at hindi rin ito papatulan ng Palasyo.
Ayon kay PCO Sec. Dave Gomez, naririnig ng Palasyo ang sigaw ng galit at pagkadismaya ng publiko sa katiwalian, kaya hindi raw ito ang sandali na dapat umurong o magpaapekto sa ingay ng kalsada.
Malinaw aniya ang direksyon na ituloy ang kampanya kontra-korapsyon at habulin ang dapat managot.
Sa halip na patulan ang mga panawagang pagbibitiw, uunahin ng pamahalaan ang trabaho sa mga imbestigasyon, ipaabot sa Office of the Ombudsman ang mga kasong handa nang isampa, at bantayan ang sunod-sunod pang kaso na susunod sa mga darating na araw.
Giit ni Gomez, kumikilos sila at hindi raw bibiguin ang publiko na bago mag-Pasko ay mas marami pang pangalan ang padadalhan ng arrest warrant.









