
Nanindigan ang Malacañang na sinusunod ang due process sa imbestigasyon at pagpapanagot sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ito ang tugon ng Palasyo sa pahayag ni dating Senador Bong Revilla na wala umanong due process sa kasong kinasasangkutan niya.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, karaniwan na sa mga inaakusahan ang magsabing walang due process bilang bahagi ng kanilang depensa.
Gayunman, malinaw aniya ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sundin ang proseso ng batas sa bawat hakbang ng imbestigasyon.
Dagdag pa ni Castro, ito rin ang dahilan kung bakit inabot ng panahon bago naisampa ang mga kaso laban sa mga sangkot sa anomalya.
Binigyang-diin din ng Malacañang na nasa kalagitnaan na ang kampanya ng pamahalaan para papanagutin ang mga “big fish” sa malawakang anomalya sa mga flood control projects at hindi ito ngayon lang nagsimula.










