Malacañang, nanindigang walang nangyaring “Gentlemen’s Agreement” sa pagitan ng Pilipinas at China

Nanindigan ang Palasyo ng Malacañang na walang nangyaring “Gentlemen’s Agreement” sa pagitan ng Pilipinas at China hinggil sa umano’y pagtatanggal ng Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Sec. Cheloy Garafil, hindi nagbabago ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na walang nangyaring kasunduan hinggil dito.

Partikular na tinukoy ni Garafil ang dating pahayag ni Pangulong Marcos na wala itong alam na kasunduang nagpapatanggal sa barko ng Pilipinas sa sarili nating teritoryo.


Sa naturang pahayag, sinabi din ng pangulo na kung sakaling may nangyari man na kasunduan ay pinawawalang bisa niya ito.

Matatandaang pinalutang ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang Gentlemen’s Agreement ni dating Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jin Ping na kapag hindi tinupad ng bansa ay mawawala sa kontrol nito ang Ayungin Shoal.

Facebook Comments