
Naniniwala ang Malacañang na planado ang ginawang panggugulo ng mga kabataan sa Maynila kasabay ng ginawang malawakang kilos-protesta kahapon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, malinaw ang motibo ng grupo matapos makumpiska ang mga molotov bomb at malalaking tipak ng bato na dala ng mga kabataan sa mismong Mendiola na ilang hakbang lamang mula sa Palasyo.
Hindi aniya ito simpleng kilos-protesta kundi tangkang pagpapabagsak sa administrasyon.
Giit ng Palasyo, ang mga lehitimong grupo na may layuning magpanawagan laban sa korapsiyon ay nakapagsagawa naman ng mapayapang pagkilos, pero ang mga kabataan umano ang ginamit ng mga may masamang intensiyon upang manggulo at ipakita ang motibong pulitikal.
Sa ngayon, hindi pa tinukoy ng Malacañang kung sino ang nasa likod ng pag-atake, ngunit binigyang-diin nito na malinaw ang intensiyon ng kaguluhan na guluhin ang kaayusan at ipitin ang pamahalaan.









