
Para sa Malacañang, walang sapat na basehan ang mga akusasyon sa inihaing impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kabilang sa mga paratang ang umano’y pagpapadukot kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, alegasyong paggamit ng ilegal na droga ng pangulo, at ang hindi nito pag-veto sa unprogrammed appropriations sa mga nagdaang pambansang badyet.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, matagal nang nasagot ang mga isyung ito at malinaw na kumilos ang pangulo alinsunod sa batas.
Bagama’t wala pang direktang pahayag si PBBM tungkol sa isyu, sinabi ni Castro na malinaw na isang “numbers game” sa Kongreso ang impeachment.
Hindi rin alam ni Castro ang tunay na intensyon ng mga naghain ng reklamo, bagama’n binanggit niyang ang party-list na nag-endorso nito ay kabilang sa mga contractor na nabanggit ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Sa ngayon, hinihintay ng Palasyo ang opisyal na kopya ng reklamo upang makapagbigay ng malinaw at detalyadong tugon, lalo’t ito ang unang pagkakataong isinampa ang naturang impeachment.










