Hinamon ng Palasyo ng Malacañang ang ilang grupo na magsampa ng kaso sa Commission on Elections patungkol sa sinasabi nilang posibleng paglabag ni dating Special Assistant to the President Bong Go sa election laws.
Sinasabi kasi ng Election watchdogs na Kontra Daya at NAMFREL na posibleng nalabag ni Go ang election law dahil sa pagbibigay umano nito ng cash assistance sa mga biktima ng sunog.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, kung naniniwala ang mga ito na talagang may nalabag na batas si Go ay magsampa nalang ang mga ito ng kaso.
Pero naniniwala naman si Panelo na hindi din naman uusad ang kaso dahil binasa aniya niya ang probisyon ng batas at nakita niya na mahihirapang mapatunayan na nalabag ni Go ang batas.
Paliwanag ni Panelo, iba ang sitwasyon kay Go dahil ang ibinibigay sa mga biktima ay donasyon, pangalawa aniya, hindi din naman mula kay Go ang donasyon kaya mahihirapan na patunayan na may nalabag si Go.
Binigyang diin pa ni Panelo na responsableng tao si Go kaya hindi ito gagawa ng anomang iligal o ipinagbabawal ng batas.