Itinanggi ng Malacañang ang pahayag ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na si Chinese President Xi Jinping ang personal protector ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa militar sakaling ikudeta ito.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nililito ni Carpio ang taumbayan sa pamamagitan ng mga haka-haka at hindi alintana ang panahon ng pandemya para mamulitika.
Aniya, makailang beses nang sinabi ni Pangulong Duterte na kung ayaw na sa kanya ng militar ay uuwi na lamang ito sa Davao City at hindi siya magtatagal ng ilang minuto sa Malacañang.
Hindi rin aniya isasakripisyo ng Pangulo na magpatayan ang mga sundalo sakaling magkaroon ng kudeta.
“Kasinungalingan na naman ang sinasabi niya na protector si President Xi. Sinasama pa si President Xi, samantalang ang pronouncement ng Presidente, paulit-ulit na, “Kung ayaw na sa akin ng military, uuwi na ako dito sa Davao”, ‘di ba po, hindi siya magtatagal isang minuto man lang kung ayaw na sa kaniya ng militar dahil pointless na magpatayan ang sundalo laban sa kapwa sundalo. So huwag po nating linlangin ang taumbayan, panlilinlang na po iyan at pagsisinungaling na po,” ani Roque.