Malacañang, pinag-iingat ang AFP sa paglalabas ng listahan ng mga indibidwal na nauugnay sa mga komunista

Nagpaalala ang Malacañang sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na mas mag-ingat sa paglalabas ng pahayag lalo na sa pag-uugnay ng mga indibidwal sa mga rebeldeng komunista.

Ito ang pahayag ng Palasyo matapos mabatikos ang militar dahil sa inilabas nitong listahan ng mga estudyante ng University of the Philippines (UP) na umano’y nahuli o napatay matapos umanib sa New People’s Army (NPA).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, humingi na ng paumanhin si Defense Secretary Delfin Lorenzana hinggil dito.


Pero sinabi Roque na dapat maging masinop ang AFP sa paglalabas ng impormasyon.

Dagdag pa ni Roque, walang communication plan ang gobyerno hinggil sa pag-uugnay ng mga indibidwal sa rebeldeng komunista.

Bago ito, humingi na ng paumanhin ang AFP sa mga personalidad na napagkamalang nahuli at napatay na communist rebels.

Ayon sa AFP Civil-Military Operations Office, binura nila agad ang facebook post makaraang umani ng batikos.

Nagsasagawa na rin aniya sila ng imbestigasyon kung paano nailabas ang listahan.

Siniguro pa ng military na papanagutin nila ang may kasalanan sa maling impormasyon at sisikapin din daw nilang hindi na ito maulit pa.

Facebook Comments