
Inirekomenda ng Malacañang sa Kabataan Party-list na na maghain ng panukalang batas kung nais talaga nitong kontrolin ng gobyerno ang presyo ng langis sa bansa.
Tugon ito ng Palasyo sa kritisismo ni Kabataan Rep. Renee Co na kahihiyan ang pangulong sunod-sunuran sa mga korporasyon at hinayaan pa ang pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi maaaring basta diktahan ni Pangulo Ferdinand Marcos Jr. ang galaw ng presyo ng produktong petrolyo dahil sa umiiral na Oil Deregulation Law.
Ang presyo aniya ng langis ay nakabase sa world market kaya’t kung gusto ng Kabataan Party-list na makialam ang gobyerno sa presyuhan, dapat itong idaan sa pagbabalangkas ng bagong batas.
Sa halip na magparatang, nanawagan ang Palasyo sa mga mambabatas na gamitin ang kanilang kapangyarihan sa paggawa ng batas upang maglatag ng konkretong solusyon sa isyu ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.









