Malacañang, pinayuhan ang mga pasahero ng MRT-3 na nagkaroon ng contact sa mga ticket sellers na magpa-quarantine

Nakiusap ang Malacañang sa mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT-3) na nagkaroon ng contact sa mga tauhan nitong tinamaan ng COVID-19 na sumailalim sa quarantine.

Nabatid na aabot na 198 na empleyado ang nagpositibo sa COVID-19 na binubuo ng 177 depot personnel, tatlong train drivers, dalawang control center personnel at 16 station personnel, kung saan 14 ay ticket sellers mula sa North Avenue, Quezon Avenue, Kamuning, at Cubao stations.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sakaling nagkaroon ng physical contact ang pasahero sa nagbebenta ng ticket ay pinapayuhan sila na mag-quarantine.


Sinabi ni Roque na kung mayroon nang sintomas ay maaari silang sumailalim sa polymerase chain reaction (PCR) test na sagot ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Nabatid na sinuspinde ang operasyon ng linya ng tren para bigyang daan ang COVID-19 testing sa lahat ng tauhan ng MRT-3 na magtatagal hanggang July 11.

Facebook Comments