Pinayuhan ng Malacañang ang publiko lalo na sa mga nais magsagawa ng fitness classes tulad ng zumba at yoga na gawin ang online workouts sa loob ng bahay para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi pa rin pinapayagan ng pamahalaan ang workout sessions kahit mayroong partial operations ang mga gyms at fitness studios sa community quarantine areas.
“Ang gyms and fitness studios po 30 percent sa GCQ (general community quarantine), 50 percent sa MGCQ (modified general community quarantine). No group workouts like zumba. Ito po’y nasa isang DTI (Department of Trade and Industry) Memo 2020-52 (Gyms and fitness studios in GCQ are allowed to operate at 30% capacity while those in MGC are allowed 50 percent. No group workouts like zumba. These are stated in DTI Memo 2020-52),” sabi ni Roque.
Nabatid na naglabas ang DTI ng memorandum circular hinggil sa pagtataas ng operational capacity ng ilang business establishments at aktibidad sa GCQ Areas na layong mapalakas ang ekonomiya at matugunan ang kawalan ng trabaho, kahirapan at gutom sa bansa.