Malacañang, pinayuhan si Sen. Hontiveros na kasuhan ang mga nasa likod ng overpriced PPE

Pinayuhan ng Malacañang si Opposition Senator Risa Hontiveros na magsampa ng kaso laban sa ilang indibidwal na nasa likod ng umano’y overpriced China-made Personal Protective Equipment (PPE).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kung mayroong hawak na ebidensiya ang Senadora maaaring itong magsampa ng demanda sa Office of the Ombudsman o kaya ay sa Department of Justice (DOJ).

Matatandaan na una na inihayag ni Hontiveros na isang bilyong piso ang nawala sa kaban ng bayan matapos na bumili ng PPE sets ang gobyerno sa China na nagkakahalaga ng ₱1,700 hanggang ₱2,000 samantalang sa tantiya ng Philippine General Hospital ang presyo ng kada set ng PPE ay nasa ₱1,200 hanggang ₱1,500.


Sinabi naman ng procurement service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) na nakatipid ang bansa ng 800 milyong piso dahil sa direktang silang nakipag-deal sa mga manufacturers at accredited distributors.

Dagdag pa ni Roque, isinagawa ang pagbili ng mga PPE habang nasa ilalim ng mahigpit na COVID-19 restrictions ang bansa kung saan pansamantalang sarado ang mga negosyo kaya’t wala nang pagpipilian pa.

Aniya, nagkaroon naman daw ng “absolute transparency” hinggil sa pagbili ng gobyerno ng mga PPE.

Hiniling naman ng PS-DBM sa Senadora at PGH na pangalanan ang mga local suppliers na kayang magbigay ng offer na eight-piece PPE set noon pang April 1 to May 15, 2020, sa mas mababang halaga na ₱1,772.58 pero hanggang sa ngayon ay wala pang tugon ang mga ito.

Facebook Comments