Umalma ang Malacañang sa mga alegasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na talamak pa rin ang krimen sa bansa.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, malayo aniya sa datos ng Philippine National Police (PNP) ang mga paratang ni Duterte kung saan malaki ang ibinaba ng krimen sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Giit pa ni Bersamin, napapanatili ng pamahalaan ang peace and order sa bansa nang walang nilalabag na due process o tinatapakang karapatang pantao.
Outdated na rin aniya ang inihalimbawang impormasyon ni Duterte sa Senado na drug raid sa loob ng Malacañang Compound sa San Miguel, Maynila.
Nilinaw ng kalihim na isang suspek ang nasakote at nakumpiska ang ilang drug paraphernalia habang patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang isa pang kasabwat ng suspek.
Pinapakita lamang aniya nito na gumagana ang batas, mas ligtas ang mga tao, at mas nakatitiyak ang mga Pilipino sa kanilang kinabukasan sa ilalim ng administrasyong Marcos.