Malacañang, tatlong buwan ng hindi nagsusumite ng financial report ukol sa COVID-19 response

Ayon kay Senator Risa Hontiveros, tatlong buwan ng hindi nagsusumite sa Senado ang Malacañang ng financial report ukol sa paggastos ng pamahalaan ng pondong nakapaloob sa Bayanihan 2 Law.

Sabi ni Hontiveros, noong January 4, 2021 pa huling nagpadala ng financial report ang Palasyo gayong itinatakdang batas na dapat ay magbigay ng report ng tanggapan ng Pangulo tuwing unang Lunes ng bawat buwan.

Giit ni Hontiveros, iresponsable at iligal na hindi isapubliko ang mga financial reports sa panahon ng krisis.


Ipinunto ni Hontiveros na kung kelan matindi ang pagsirit ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay saka naman hindi makita ng mga Pilipino kung saan na napupunta ang bilyun-bilyong piso na inilaan pantugon sa COVID-19 pandemic.

Katwiran ni Hontiveros, paano mapopondohan nang maayos ang mga gamot, ayuda, pasilidad, at programang panligtas-buhay kung hindi natin alam kung alin-alin ang natugunan na at alin ang hindi pa, at kung magkano pa ang natitira?

Kaugnay nito ay inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution No. 710 na humihiling sa Commission on Audit na magsagawa ng special audit sa paggastos sa P570 billion sa ilalim ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2.

Facebook Comments