Malacañang, tikom pa rin ang bibig sa dahilan ng pagkakasibak ni Puod bilang pinuno ng PTV 4

Courtesy: Ana Puod | Facebook

Nanatiling tikom ang bibig ng Palasyo ng Malacañang sa kung ano ang dahilan ng pagkakasibak ni Annalisa Puod bilang general manager ng People’s Television Network o PTV 4.

Matatandaang noong Biyernes ay inanunsyo ng Palasyo ang pagkakatalaga ni Antonio Baltazar Villanueva Nebrida Jr., bilang bagong pinuno ng PTV 4.

Wala pa ring tugon ang Malacañang sa apela ng PTV Employees Association (PTEA) na ibalik sa puwesto si Puod.


Giit ng grupo, mas maayos umano ang pamamahala ni Puod at sa maiksing pangangasiwa nito ay nagkaroon ng mga pagbabago sa network.

Halimbawa anila rito ang pagdoble ng programa ng PTV, pagbaba ng replay rate, at paglunsad ng Congress TV.

Si Puod ay naluklok sa naturang puwesto noong Hunyo 2023 at dating nagtatrabaho sa ABS-CBN.

Samantala, wala pang pahayag si Nebrida tungkol sa mga ipinaglalaban ng PTEA.

Nabatid na si Nebrida ay dating reporter din ng PTV bago nagtrabaho sa pribadong sektor.

Facebook Comments