Malacañang, tinabla ang mga panawagang i-privatize ang PhilHealth

Hindi tinanggap ng Malacañang ang isinusulong na panukala sa Kamara na i-privatize ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Nabatid na naghain si Marikina Representative Stella Quimbo ng House Bill 7429 na binibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na isapribado ang PhilHealth.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kapag inilipat ang pamumuno ng PhilHealth sa isang pribadong kumpanya ay posibleng gawin ang institusyon bilang nag-aalok ng insurance na maaaring hindi kayanin ng mga mahihirap.


Maaari aniyang mahirapan ang mga Pilipino na makakuha ng dekalidad at abot-kayang health care services.

Tungkulin at obligasyon ng pamahalaan na ihatid ang universal health coverage sa lahat ng mamamayan.

Iginiit ni Roque na nasa ilalim ng gobyerno ang PhilHealth dahil ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan ay isang karapatan ng taumbayan.

Mas mainam din na buwagin ang PhilHealth at palitan ng bagong ahensya para mawala ang korapsyon.

Facebook Comments