
Siniguro ng Malacañang na nakahanda ang pamahalaan na tumugon sa anumang mga banta ng sakit at sitwasyon sa bansa ngayong pormal nang idineklara ang tag-init na panahon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, may alok na libreng bakuna kontra tigdas ang pamahalaan kasunod ng naitalang 922 na kaso ng tigdas bansa mula January hanggang March 1, 2025, na mas mataas 638 na kaso noong 2024 sa kaparehong panahon.
Target ng gobyerno na maitaas sa 400,000 ang bilang ng mga batang makakatanggap ng libreng bakuna kontra tigdas.
Maaaring pumunta sa mga health center sa Caloocan, Quezon City, Taguig, Maynila, Mandaluyong, Las Piñas para sa libreng bakuna, na susundan naman ng parehong bakunahan sa ibang lokal na pamahalaan sa ikalawang quarter.
Nananawagan ang Palasyo sa magulang ng mga bata na dumulog sa mga health center at samantalahin ang libreng bakuna.
Bukod dito, naglabas din ng memorandum ang Department of Health (DOH) para magpatupad ng mga hakbang laban sa epekto ng matinding-init, gaya ng pagtatatag ng cooling centers at pagtatayo ng mga climate resilient na imprastruktura na may hydration stations.