Malacañang, tiniyak na gagawin ang lahat para maibalik sa bansa si dating Cong. Teves

Aminado ang Malacañang na ikinagulat nila ang naging desisyon ng korte sa Timor Leste matapos nitong ibasura ang hiling na extradition para mapauwi ng bansa si dating Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves Jr.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, dalawang beses na kasing pinaboran noon ng korte sa Timor Leste ang extradition request ng Department of Justice (DOJ).

Ginawa rin aniya ng gobyerno ang lahat at inilatag ang mga ebidensya sa krimeng kinasangkutan ni Teves, gayundin ang mga pruweba na walang death penalty sa bansa para mapatunayang walang banta sa buhay ni Teves kapag inuwi ng Pilipinas.


Sabi ni Castro, posibleng nagkaroon ng isyu sa teknikalidad ng request, pero tiniyak umano ng DOJ na iaapela ang desisyon ng korte.

Gayunpaman, ipinauubaya na ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., sa DOJ ang pag-aasikaso sa susunod na magiging hakbang ng gobyerno.

Kinontra naman ni Castro ang binanggit na dahilan ng Timor Leste court na hindi pagbibigyan ang extradition kung may nakitang banta ng torture sa taong hinihiling na ma-exrtradite — dahil malinaw aniya sa ilalim ng Saligang Batas ng Pilipinas na ipinagbabawal ang torture o anumang uri ng bayolenteng pagpaparusa.

Facebook Comments