Magiging sapat pa rin ang supply ng asukal sa mga susunod na buwan at taon kahit pa hindi mag-import ng asukal ang Pilipinas.
Ito ang sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa press briefing sa Malacañang.
Aniya, gagamitin ng gobyerno ang balancing act para hindi maubusan ng supply ng asukal sa bansa.
Giit ni Angeles, malapit na ang harvest season kaya ito ang magiging supply sa mga susunod na buwan at taon habang kakatapos lamang aniyang mag-import nitong nakalipas na Mayo kaya malabong magkaroon ng kakulangan sa supply ng asukal.
Sa susunod na taon naman ay titiyakin ng pamahalaan na susuportahan ang mga sugar local growers.
Matatandaang kahapon ay lumabas ang ulat na inaprobahan ng pangulo ang pag-i-import ng 300,000 metric tons ng asukal pero kanina ay inihayag ni Atty. Angeles na iligal ang pagpirma ng resolusyon ng importation ng asukal dahil hindi raw ito awtorisado ng pangulo.