Malacañang, tiniyak na walang banta mula sa Chinese na nakapasok Coast Guard Auxiliary

Pinawi ng Malacañang ang pangamba ng publiko kaugnay sa napaulat na isang Chinese national na nagkunwaring Pilipino at naging bahagi pa ng Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA).

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, tinanggal na sa serbisyo ang nasabing indibidwal at kasalukuyang iniimbestigahan.

Ipinaliwanag din ni Castro na ang PCGA ay isang civilian volunteer organization na tumutulong lamang sa relief operations at hindi direktang bahagi ng operasyon ng Philippine Coast Guard (PCG).

Wala rin aniyang access ang mga miyembro ng PCGA sa barko, operasyon, o sensitibong impormasyon ng PCG.

Kasabay nito, tiniyak ng Palasyo na aktibong binabantayan ng National Security Council (NSC) ang anumang banta ng paniniktik o pang-eespiya laban sa bansa.

Bagama’t hindi ibinunyag ang lahat ng hakbang para sa seguridad, tiniyak ng NSC na mabilis na kumikilos ang mga ahensya ng gobyerno para harapin ang anumang verified intelligence reports.

Facebook Comments