
Puspusan ang ginagawang hakbang ng pamahalaan para masagip ang tinatayang 500 Pilipinong napaulat na nabiktima ng scam hub sa Myanmar.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nagpapatupad ang pamahalaan ng one-country-team-approach o OCTA upang mabilis na mailigtas ang mga biktima.
Binubuo ito ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), Department of National Defense (DND), Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya kasama ang mga embahada sa Yangon at Bangkok.
Kamakailan ay nasa 176 na mga Pilipino na biktima ng scam hub sa Myanmar ang napauwi na ng pamahalaan.
Paalala naman ng Palasyo sa mga nais magtrabaho abroad, na dumaan sa legal na proseso para matiyak na lehitimo ang papasukang trabaho.
Dagdag pa ni Castro, patuloy na nagsasagawa ang gobyerno ng mga job fairs upang makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa mga Pilipino.
Sa pamamagitan aniya nito ay mas pipiliin ng mga Pilipino na manatili sa bansa kasama ang kanilang pamilya at maiiwasan ang insidente ng scam at human trafficking.