Malacañang, tiwalang buo pa rin ang suporta ng mga mambabatas kay PBBM

Kumpiyansa ang Malacañang na buo pa rin ang suporta ng mga mambabatas kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kabila ng planong paghahain ng impeachment complaint laban sa kanya.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, walang ginawang mali ang Pangulo at hindi ito sangkot sa anumang anomalya, kaya wala umanong dahilan para talikuran siya ng mga miyembro ng Kamara.

Binigyang-diin ni Castro na si Pangulong Marcos pa nga ang unang nagbunyag ng mga katiwalian at malinaw ang direktiba nito na papanagutin ang mga sangkot, kahit sino pa ang tamaan.

Nagpasaring din si Castro na walang “Mary Grace Piattos” si Pangulong Marcos, at walang itinatago at kinatatakutang isyu.

Dagdag pa niya, seryoso ang Pangulo sa pagbabantay sa kaban ng bayan, dahilan kung bakit personal nitong pinangunahan ang masusing pagbusisi sa 2026 national budget at naglatag ng mahihigpit na patakaran sa paglalabas ng pondo upang maiwasan ang katiwalian.

Inihayag pa ni Castro na ayon sa isang Kongresista, mga kaalyado at tagasuporta ng pamilya Duterte ang nasa likod ng planong impeachment complaint laban sa Punong Ehekutibo.

Facebook Comments