
Kumpiyansa ang Malacañang na susunod ang mga pulitiko sa bagong patakaran na nagbabawal sa kanilang pakikilahok at pagbibida sa pamamahagi ng ayuda, alinsunod sa probisyong nakapaloob sa 2026 General Appropriations Act (GAA).
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, isa na itong ganap na batas kaya inaasahang rerespetuhin at susundin ito ng mga halal na opisyal.
Binigyang-diin ni Castro na may iba namang paraan para maipakita ng mga pulitiko ang malasakit sa kanilang mga nasasakupan nang hindi kailangang sumawsaw o umeksena sa pamamahagi ng tulong.
Ayaw aniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magmukhang personal na proyekto ng mga pulitiko ang ayuda ng gobyerno, lalo’t napatunayang inaabuso ito noong mga nakaraang taon.
Dagdag pa ni Castro, hindi rin naging maganda ang naging resulta noon dahil may mga pagkakataong hindi talaga nakararating ang tulong sa tunay na nangangailangan, o kung makarating man ay kulang o may nababawas pa.










