Umaasa ang Malacañang na maipapasa ng Kongreso ang panukalang 2021 national budget sa Disyembre para mabigyan ng panahon si Pangulong Rodrigo Duterte na mabusisi ito.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mas mainam kung maisusumite ng Kongreso ang pambansang budget sa Office of the President sa Nobyembre.
Pero sinabi rin ni Roque na ‘ok’ din sa kanila kung sa Disyembre rin ito maipapasa.
Mahalagang mapirmahan ni Pangulong Duterte ang budget bill na naglalaman ng pondo para sa COVID-19 response at recovery efforts bago matapos ang taon.
“Hindi rin ganoon kabilis ang pag-review ng budget kasi sa budget lang po may kapangyarihan ang Presidente na gumawa ng tinatawag na line veto,” dagdag ni Roque.
Binigyang diin pa ni Roque na ang pag-review sa spending measure ay nangangailangan ng ‘line by line’ analysis.
Kapag nalagdaan na ni Pangulong Duterte ang panukalang budget ay agad itong ilalathala sa Official Gazette.
Ang 2021 national budget ay lusot na sa pinal na pagbasa sa Kamara at nakatakdang isalang sa deliberasyon ng Senado.