Umaasa ang Malacañang na magkakatotoo ang pag-aaral ng University of the Philippines (UP) OCTA research team na magkakaroon na ng flattening of the curve ng COVID-19 case sa bansa sa Setyembre.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sana ay mas magiging mababa na ang kaso sa mga susunod na araw.
Sinabi naman ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na patuloy na hinihimok ang publiko na sumunod sa minimum health standards para magkatotoo ang hula ng UP.
Una nang sinabi ni Professor Guido David ng UP-OCTA research team na positibo silang mafa-flatten na ang curve ng Coronavirus Disease 2019 sa Pilipinas bunsod ng bumabagal na pagdami ng kaso.
Sa Metro Manila lamang aniya, mula sa dating 1.5% na reproduction rate ay bumaba na ito sa 1.1%.
Ang reproduction rate ay ang bilang ng mga taong puwedeng hawaan ng isang positibo sa virus.
Inaasahan ding lalong bababa ang COVID-19 cases sa bansa sa susunod na dalawang linggo kapag nakita na ang epekto ng ipinatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).