
Mariing kinontra ng Malacañang ang pahayag ng Chinese Embassy na maaaring maapektuhan ang trabaho ng mga Pilipino kung lalala ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro, hindi dapat ginagamit ang ganitong pahayag na tila nagbabantang lalong magpapainit sa sitwasyon.
Giit ng Palasyo, ang solusyon ay malinaw na dayalogo at diplomasya, hindi pananakot.
Ang paggalang aniya ay pananagutan ng dalawang bansa at hindi dapat ipasa sa iisang panig.
Iginiit din ni Castro ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi niya sinusuportahan ang pagdedeklarang persona non grata kay Chinese Ambassador Jing Quan, kahit pa may mga naging pahayag itong kinondena ng Senado kaugnay ng West Philippine Sea (WPS).










