Malacañang, umapela sa Kamara na isantabi ang pulitika at gawin ang kanilang trabaho

Umaasa ang Malacañang na ang mga miyembro ng Kamara ay isasantabi ang pulitika at magtulungan para maipasa ang panukalang ₱4.5 trillion 2021 national budget sa ikatlo at huling pagbasa.

Ito ang panawagan ng Palasyo ilang araw pagkatapos magpatawag ng special session sa Kongreso si Pangulong Rodrigo Duterte na gaganapin bukas, Oktubre 13, para sa deliberasyon ng budget na kaniyang sinertipikahan bilang urgent.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dapat munang isantabi ng mga mambabatas ang kanilang pagkakaiba-iba at ipasa sa tamang oras ang 2021 budget.


“Ang panawagan po niya (President Duterte) sa ating mga kongresista, isantabi muna po ang pulitika para mapasa po natin ang proposed 2021 budget,” sabi ni Roque.

“Itigil muna po ang politika diyan sa Mababang Kapulungan para maipasa ang proposed budget ng 2021 na binuo ng administrasyon para labanan ang COVID-19,” dagdag pa ni Roque.

Muling iginiit ni Roque na hindi mangingialam si Pangulong Duterte sa mga nangyayaring girian sa House Speakership.

Una nang nakiusap si Pangulong Duterte kina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco na huwag siyang idamay sa kanilang isyu.

Facebook Comments