Malacañang, umapela sa mga ahensya ng pamahalaan na iwasan ang magarbong pagdiriwang ng Pasko

Umapela ang Malacañang sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na iwasan ang mga marangyang pagdiriwang ngayong Pasko.

Ayon kay Executive Sec. Lucas Bersamin, ito’y alinsunod na rin aniya sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Dagdag pa ni Bersamin, ito’y bilang pakikiisa sa milyun-milyong Pilipino na patuloy na nagdadalamhati dahil sa mga buhay, tahanan, at kabuhayang nawala dahil sa sunod- sunod na bagyo.


Hindi na aniya na kailangang magpalabas ng opisyal na direktiba ang Palasyo dahil naniniwala sila sa kabutihang-loob ng mga kapwa nila kawani ng gobyerno at kumpiyansang kusang magpapatupad ang mga ito ng pagtitipid sa kanilang mga pagdiriwang.

Nais din ng Palasyo na ang anumang matitipid mula sa mas simpleng pagdiriwang ay i-donate para sa naapektuhan ng kalamidad.

Ang tunay na diwa aniya ng Pasko ay nananawagan na ipagdiwang ito nang may malasakit, pagbibigayan, at maghatid ng kasiyahan.

Sa bahagi naman ng pamahalaan, ipinaliwanag ni Bersamin na titiyakin nitong maipadadama ang diwa ng Pasko sa mga apektadong lugar sa pamamagitan ng maagang pamamahagi ng relief goods, tulong, muling pagsasaayos ng imprastruktura, at pagbangon ng kabuhayan.

Facebook Comments