Malacañang, umapela sa OFWs sa Europa na huwag ituloy ang planong Zero Remittance Week

Nanawagan ang Malacañang sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na huwag idamay ang ekonomiya at ang kanilang pamilya sa usaping politika.

Ito’y sa gitna ng plano ng ilang OFWs sa Europa na maglunsad ng “Zero Remittance Week” o hindi pagpapadala ng remittance mula March 28 hanggang April 4.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi lamang ang gobyerno kundi pati na rin ang mga pamilya ng OFWs ang madadamay kung matutuloy ang kampanya.


Giit ni Castro, sumusunod lang naman ang pamahalaan sa umiiral na batas at ang mga kasong isinampa laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay inihain din ng mga Pilipino.

Nabatid na layunin ng Maisug Croatia na ipanawagan ang pagbabalik ni Duterte sa bansa sa pamamagitan ng pansamantalang pagpapatigil ng pagpapadala ng pera sa Pilipinas.

Kaugnay nito, nanawagan si Castro sa OFWs na maging mahinahon at maging patas sa pagtugon sa mga ganitong usapin.

Facebook Comments