Hindi pa pirmado ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) ang Sugar Order No. 6 na nagpapahintulot na mag-import ang Pilipinas ng 440,000 metrikong tonelada ng asukal para punan ang pangangailangan dito ng ating bansa.
Ayon kay Sugar Regulatory Administration (SRA) Board member Pablo Luis Azcona, si PBBM bilang Secretary of Agriculture at Sugar Regulatory Administration Board chairman ay kailangan munang mag-comment sa naturang kautusan bago itakda ang sugar importasyon.
Anya naipadala na nila ang naturang kautusan sa Malakanyang para sa reaksiyon dito ni Pangulong Marcos.
Kung maibalik man anya ito sa SRA nang walang comment si Pangulong Marcos ay nangangahulgan ito na apruba na ang naturang kautusan.
Ang Sugar Order anya ay magiging balido kapag nalagdaan ng tatlong miyembro ng board at ng ex-officio chairman sa Department of Agriculture (DA).
Noong nakaraang taon ay itinanggi ng Malakanyang ang SO No. 4 para sa importasyon ng 300,000 metric tons ng puting asukal dahil walang pirma ng pangulo.
Nilinaw ni Azcona na ang SO No. 6 na nilagdaan na nina Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban, acting SRA Administrator David John Thaddeus Alba, at Millers Representative Mitzi Mangwang ay dumaan sa tamang proseso.