
Walang nakikitang mali ang Malacañang sa inilabas na travel advisory ng Chinese Embassy para sa mga Chinese nationals na magtutungo sa Pilipinas.
Sa nasabing travel advisory, nakasaad na pinag-iingat ng China ang kanilang mga residente sa posibleng harrassment ng mga awtoridad.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, isang “normal consular function” lamang ito at walang tinatarget na isang partikular na nationality.
Posibleng ang tinutukoy aniya ng Chinese Embassy sa kanilang travel advisory ay ang mga Chinese nationals na sangkot sa iligal na operasyon ng Philippine offshore gaming operators (POGO) dahil sa pinaigting na operasyon ng bansa.
Nilinaw naman ni Castro na welcome sa Pilipinas ang anumang nationality maliban na lamang kung ang mga ito ay sangkot sa mga krimen at iligal na mga aktibidad.
Bukas din aniya ang Department of Foreign Affairs (DFA) para pag-usapan ang pangamba ng Chinese embassy sa usapin.