Malacañang, walang nakikitang mali sa pagmo-monitor ng PNP sa social media ng mga posibleng quarantine violators

Walang nakikitang mali ang Malakanyang sa hakbang ng Philippine National Police (PNP) na i-monitor ang social media posts ng mga posibleng lumalabag sa quarantine protocols.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi ilegal ang pagbabantay ng pulisya sa mga naka-post sa social media lalo na kung ito ay naisapubliko na.

Aniya, oras na ipinost na sa social media ang isang bagay, nagkakaroon na ito ng waiver of privacy.


Paliwanag pa ni Roque, ang pag-monitor ng PNP sa social media ay bahagi lamang ng paggamit ng teknolohiya.

“Well, alam niyo po, yung Cybercrimes Act natin nakasaad po doon ang mga pinagbabawal. Hindi naman po pinagbabawal ang social media monitoring. So wala pong mali sa ginagawa ng pulis kung tinitignan lang nila kung ano ang naka-post sa social media. So yung pagmomonitor po hindi po ‘yan illegal. I don’t think there’s anything wrong with that,” ani ni Roque.

Giit pa ni Roque, maging ang mga mauunlad na bansa ay ginagamit na rin ang teknolohiya sa imbestigasyon.

Facebook Comments