Dapat magkaroon ng back up plan sa sandali na hindi na gawing mandatory ang pagsusuot ng face mask sa buong bansa.
Ito ang hiniling ng Malakanyang kasunod ng rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) of Emerging Infectious Diseases na gawing opsyonal o boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa mga open spaces.
Ayon kay Press Secretary Atty. Trixie Cruz- Angeles, hindi basta-basta na magbago ng protocols ng walang nakahandang plan b.
Kabilang na aniya sa naturang back up plan ang pagtitiyak na marami na ang nabakunahan ng booster shot.
Samantala, kinumpirma rin ni Atty. Cruz- Angeles na binabalanse na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang inirekomendang hakbang na may kinalaman sa ekonomiya at public health.
Matatandaang, inanunsyo kahapon nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., Department of Health (DOH) Officer-in-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire, at Atty. Cruz-Angeles na magiging opsyonal lamang ang pagsusuot nito para sa mga low risk areas o yung mga hindi mataong lugar at may magandang daloy ng hangin.