Mahirap magpatupad ng hard lockdown tulad ng mungkahi ng mga lokal na pamahalaan at ilang grupo ng mga eksperto.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, wala kasing ipangbibigay na ayuda sa ating mga kababayan na pagbabawalan muling lumabas at makapagtrabaho.
Giit ni Roque, darating din sa punto na “posibleng” magpatupad ng mas mahigpit na quarantine classification subalit sa ngayon ay binabalanse ng pamahalaan ang sitwasyon kung saan isinusulong ang total health o binabawasan ang pagkalat ng COVID-19 at bawasan din ang mga nagugutom.
Aminado ang kalihim na mahirap na desisyon ito ng pamahalaan, subalit kailangang gawin para maging balanse sa magkabilang panig.
Iginiit pa nito na hindi dapat isipin ng publiko na maluwag ang General Community Quarantine with Heightened Restrictions.
Aniya, mahigpit pa rin naman ito dahil limitado lamang ang kapasidad ng mga establisyimento at transportasyon, mahigpit na ipinagbabawal ang mass gathering at limitado ang mga aktibidad na pupwedeng gawin.
Kasunod nito, ang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay mula sa opinyon ng iba’t ibang mga eksperto tulad ng mga doktor, ekonomista at social scientist na nagtutulong-tulong para mabalanse ang sitwasyon sa pagitan ng kalusugan at kabuhayan o ekonomiya.