Malakanyang, natuwa sa nakuhang mataas na satisfaction ratings ng gabinete ni Pangulong Duterte

Masaya ang palasyo ng Malakanyang sa nakuhang very good na satisfaction ratings ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey, mula June 22-26 umakyat mula sa good o +44 na satisfaction rating ang cabinet members ng Duterte Administration sa +51 o very good rating.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel & Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mahalaga ang nasabing survey dahil dito sumasalamin ang sentimyento ng sambayanang Filipino sa aksyon ng pamahalaan para matugunan ang kanilang mga pangangailangan.


Kasunod nito, kinikilala ng tanggapan ng Pangulo ang pagsisikap at dedikasyon ng bawat miyembro ng kaniyang gabinete gayundin ng kanilang mga staff sa pagsunod sa bawat direktiba ng punong ehekutibo.

Nangako naman ang Office of the President na mas pagbubutihin pa ang serbisyong ibinibigay sa taumbayan hanggang sa matapos ang termino ng Pangulo sa 2022.

Facebook Comments