Umapela ang Malakanyang sa publiko na huwag pangunahan ang magiging desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung magpapatupad ng mas mahigpit na community quarantine sa mga lugar na umabot na sa critical level ang health care utilization rate.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, makabubuting hintayin na muna na maidaos ang pulong ng IATF hinggil sa bagay na ito.
“Huwag na po natin silang pangunahan, pero established naman po ng criteria natin, ‘yong attack rate at iyong health care utilization noh? So, i guess, you can say na iyong mga nasa critical care , iyan po ang isang ground for escalation pero babalansehin naman po natin dahil mayroong ibang factors pa tayong tinitingnan gaya ng social factor at saka economic factor,” ani Roque.
Una nang sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na umabot na sa critical level ang health care utilization rate sa Davao de Oro, Compostela Valley at Baguio City habang nasa high-level naman ang health care utilization rate sa Nueva Vizcaya at Agusan del Norte.
Ang health care utilization rate ay tumutukoy sa bilang ng mga Intensive Care Units (ICU), isolation beds, at ventilators na kasalukuyang ginagamit sa health at medical facilities sa isang lugar.