Kinuwestiyon ng Malakanyang ang akusasyon ng ilang international media na nag-aakusa na may kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte kaya hindi na-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, hindi makatuwiran ang paratang ng ilang international media na may kinalaman si Pangulong Duterte kaya nagsara ang operasyon ng ABS-CBN.
Sinabi ni Andanar, ang tunay na dahilan ng pagpapatigil sa operasyon ng ABS-CBN ay dahil sa nagpaso na ang kanilang prangkisa noong May 4.
Giit nito, maliwanag ang isinasaad ng batas na ang tanging may kapangyarihan sa pagbibigay ng prangkisa ay ang Kongreso at hindi ang Executive Department.
Kasunod nito, wala rin aniyang kinalaman ang Pangulo sa desisyon ng National Telecommunications Commission (NTC) na siyang naglabas ng cease and desist order para patigilin ang operasyon ng ABS-CBN dahil isa itong quasi-judicial body na isang independent agency na may sariling mandato sa ilalim ng batas.
Wala rin aniyang kinalaman sa isyu ng press freedom ang pagsasara ng ABS-CBN dahil ang usapin ay may kaugnayan sa napasong legislative franchise ng Kapamilya network.
Binigyang diin pa ni Andanar na hindi sinisikil ng Duterte administration ang press freedom dahil nananatiling malaya ang media na nakapag-o-operate sa ilalim ng batas na umiiral sa bansa.