
Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines – Western Command (AFP – WESCOM) na ang malakas at ang umalingawngaw na pagsabog na narinig sa Puerto Princesa City kaninang pasado alas 10:56 ng umaga ngayong araw ay may kaugnayan sa inilunsad na Long March 12 rocket ng People’s Republic of China (PRC) mula sa Hainan International Commercial Launch Center in Wenchang sa China.
Ayon sa Philippine Space Agency o PhilSA, ang mga debris ng nasabing rocket ay maaring bumagsak 29 nautical miles mula sa Puerto Princesa at 20 nautical miles mula sa Tubbataha Reef.
Ang nasabing pagbagsak ay maaaring magdulot ng seryosong banta sa mga sasaksyang pandagat, operasyon sa pangingisda, at sa buhay sa dagat.
Agad namang nagbigay ng direktiba ang WESCOM, na mag-deploy ng lahat ng pwedeng gamitin na maritime at coastal assets para magsagawa ng malawakang pagrerecover sa mga inaasahang mababagsakan na mga lugar ng nasabing mga debris.
Bukod dito, pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko na wag kunin o hawakan ang mga nalaglag na debris dahil ito ay posibleng mayroong toxic substances.
Hinimok din ng ahensya na ireport agad sa mga awtoridad sakaling makita ang mga nasabing debris.









