Binigyang-diin ni Senador Panfilo Lacson ang pangangailangan ng malakas na Anti-Terrorism Law para maiwasang maging ‘safe haven’ ng terorista ang Pilipinas.
Si Lacson ay isa sa mga may-akda ng bersyon ng Senado ng bagong Anti-Terror Bill na nauna nang naipasa sa Kongreso.
Ayon sa senador, kamakailan lamang nang maglabas ng resolusyon ang United Nations Security Council na humihikayat sa mga bansa, hindi lang ang Pilipinas, na bumuo ng malakas na legal backbone laban sa international terrorism.
Sa ngayon kasi aniya, Pilipinas ang may pinakamahinang batas laban sa terorismo.
Aniya, ang kasalukuyang Human Security Act of 2007 ay “severly underutilized” kung hindi man maikokonsiderang “dead-letter law” dahil isang tao lang ang maaari i-convict sa ilalim nito.
Mismong si Philippine Judges’ Association President Judge Felix Reyes na aniya ang nagsabi na mahirap magparusa ng isang tao sa ilalim ng Human Security Act.
Natatakot kasi ang pulisya na maghain ng kaso dahil maaari silang pagmultahin ng P500,000 kada araw para sa anumang wrongful detention.
Dagdag pa ni Lacson, sa 735 persons deprived of liberty na itinuturing na “high-risk” ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), wala ni isa ang nakasuhan dahil sa paglabag sa Human Security Act at nakulong lang dahil sa common crimes.
Kaya sa halip na magbago ang kaisipan tungkol sa terorismo, nakakapag-recruit pa umano sila ng mga preso sa loob ng kulungan.