Malakas na pagsabog ng Bulkang Taal, hindi nakikita ng PHIVOLCS sa kabila ng pagbubuga nito ng pinakamataas na sulfur dioxide kahapon

Pinawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pangambang magkaroon muli ng malakas na pagsabog ang Bulkang Taal.

Kasunod ito ng naitalang pinakamataas na volcanic sulfur dioxide emission ng bulkan kahapon na nasa 25,456 tonnes.

Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni PHIVOLCS Director Renato Solidum na kahit mataas ang gas ay hindi naman ito naiipon sa loob ng magma kaya hindi inaasahang magkakaroon ng napakalakas na pagsabog ang bulkan gaya noong Enero 2020.


Gayunman, posible pa rin ang steam-driven o gas explosion kaya dapat pa ring iwasan ang paglapit sa Volcano Island.

“Ang talagang importante ay may mga gas na naipon sa loob ng magma na umaakyat papunta sa bunganga ng bulkan, yun po ang dahilan kung bakit nagiging explosive ang reaksyon ng mga bulkan,” ani Solidum.

“Pero kung ating napapansin nga ay naire-release ang gas at hindi nakukulob doon sa magma, hindi natin inaasahan na kasingtulad ng January 12, 2020 yung aktibidad ng Taal Volcano initially, unless na merong bagong magma na manggagaling pa sa mas malalim na parte ng bulkan. So, less gas ang naiipon sa magma, less explosive pero delikado pa rin kung ang mga tao ay nasa isla,” paliwanag pa niya.

Samantala, nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Taal.

Facebook Comments