Malakas na ‘sense of accountability’ ni Baguio City Mayor Magalong, pinuri ni VP Robredo

Hinangaan ni Vice President Leni Robredo ang ipinamalas na malakas na “sense of accountability” ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Ito ay makaraang magbitiw ang alkalde bilang contact tracing czar ng bansa matapos na masangkot sa kontrobersyal na birthday party ng social media celebrity na si Tim Yap sa isang hotel sa Baguio City noong nakaraang linggo.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na mas tumataas ang respeto ng mga tao sa isang institusyon na marunong umako ng kasalanan.


Aniya, magandang halimbawa si Magalong para sa mga public officials na nalalagay sa kaparehong sitwasyon.

“Bilib naman ako, Ka Ely kay Mayor Magalong na malakas ‘yung sense of accountability… Kapag ganito yung ating mga public officials, ‘yung respeto ng tao sa institusyon mabu-boost, na ‘yung kapag may kasalanan, inaako ‘yung kasalanan, walang pagdepensa sa sarili,” ani Robredo.

Paglilinaw ng Bise Presidente, hindi niya dinedepensahan ang pagdalo ni Magalong sa birthday party.

Pero hindi rin naman aniya nabawasan ang respeto niya sa alkalde dahil na rin sa kahanga-hanga nitong pagtugon sa isyu.

“Hindi natin sinasabing wala siyang lapse kasi siya nga mismo ang nagsasabing meron, pero ‘yung response niya dun sa lapse na nangyari ay tingin ko na ito ‘yung dapat,” saad niya.

“Nakakalungkot na mawawala siya dun sa assignment pero dun sa isang banda, nakapa-admirable sa isang public official kasi wala namang perpekto. Talagang somewhere along the way may mga magagawa tayong, di ba, nagkakaroon nga ng lapses.”

Samantala, matatandaang hindi tinanggap ng National Task Force Against COVID-19 ang pagbibitiw ni Magalong.

Facebook Comments